Friday, January 13, 2012

January 13

   
 
JANUARY 13

Woman Today Vol. 15 No. 39, January 13, 1999
On the Cover: Jon Santos, Mitch Valdes and Nanette Inventor


Enero 13 sa Kasaysayan ng Pilipinas

          Noong Enero 13, 1865, ang General Treasury ng Pilipinas ay itinatag ng pamahalaang Kastila.
                                                          o     O     o

          Ipinasa ng Kongreso ng Philippine Commonwealth ang Hare-Hawes-Cutting Independence Act noong Enero 13, 1933, na nagbibigay sa bansa ng 10-year transition period bago kilalanin ng America ang kalayaan ng Pilipinas.
                                                          o     O     o

          Nagpalabas ng kautusan ang Japanese occupational government noong ika-13 ng Enero, 1942, na nagpapataw ng parusang kamatayan sa sinomang lalabag sa pinairal nilang batas mula sa sedition hanggang rumor mongering.
                                                          o     O     o

          Pitong magsasaka na pinaghihinalang mga kasapi ng Huk ang pinagbabaril ng mga militar sa Culatingan, Concepcion, Tarlac noong ika-13 ng Enero, 1966. Ito ay binansagang Culatingan Massacre.
                                                          o     O     o


Pinoy personalities and celebrities born on January 13:
1940 – Corazon Rivas (a.k.a. Sweet Williams), Filipino-American actress – in Tubigon, Bohol.
1983 – Joselito “Jojo” Duncil, pro-basketball playet – San Pablo, Laguna.


Walang Batayang Agham ang Astrology

          Alam niyo ba kung paano nagsimula ang paniniwalang ang buhay ng tao ay may kaugnayan sa paggalaw ng mga bituin? Tatlo ang posibleng pinagmulan ng paniniwalang ito: Sa Hellenistic Egypt (200-100 B.C.), sa Babylonia (600-500 B.C.) at sa Ancient Hindu Vedic religion (c. 2000 B.C.). Nang mga panahong wala pang malinaw na agham na umiiral at namamahala sa impluensiya ng mga bagay sa kalawakan dito sa daigdig, bulag na pinaniniwalaan ng mga sinaunang tao na ang paggalaw ng mga tala sa langit ay gumagabay sa kanilang buhay at kinabukasan.
                                                         o     O     o

          Ang salitang “astrology” ay mula sa salitang Griyego na astron (“bituin”) at logia (“pag-aaral”). Nagkaroon lamang ng batayang-agham ang pag-aaral sa mga bituin – sa impluensiya nito sa ating daigdig – noong panahon nina Tycho Brahe (1546-1601), Francis Bacon (1561-1626), Galileo Galilei (1564-1642), Johannes Kepler (1571-1630) at Isaac Newton (1642-1727). Subalit ang kanilang mga pag-aaral ay nagpatunay lamang sa pisikal na impluensiya at hindi sa metapisikal. Pinatunayan din sa kanilang pag-aaral na walang kinalaman ang mga bituin sa kapalaran ng tao.
                                                         o     O     o

          Sa ngayon, ang astrology ay itinuturing na isang pseudoscience o balig-agham. Ayon sa mga psychologists, marami ang napapaniwala ng panghuhula gamit ang astrology dahil sa dalawang factors: Ang “Positive Perception Imprinting” at ang tinatawag na Forer Effect. Mas tumatatak sa isip ng tao ang mga predictions na nangyari kaysa sa mga hindi nangyari. Madali ring naiuugnay ang mga generalized predictions sa isang tao kaya nabibigyan ito ng “hiwatig” ng katotohanan, bagama’t kung susuriing mabuti mapapatunayang ang mga katangian ng “hula” ay napaka-common sa maraming tao.
                                                         o     O     o


Pagkakaiba ng Astrology at Astronomy

          Alam niyo ba na ang astrology at astronomy ay nagkakapareho ng nilalayon? Sa simula ang astrology ay agham na nag-aaral sa galaw ng mga bagay sa langit at pagsisiyasat sa anomang impluensiya nito sa daigdig, samantalang ang astronomy ay ang pagsasaliksik at pagbubuo ng mga batas na gumagabay sa paggalaw ng mga bagay sa kalawakan.
                                                        o     O     o

          Nang lumaon ang astrology ay nahaluan na ng superstition at iniugnay na sa buhay at kapalaran ng tao. Ginamit na ito sa panghuhula at iba pang rituwal na walang kaugnayan sa agham.
                                                        o     O     o

          Nagsimulang maghiwalay ang panuntunan ng astrology at astronomy noong panahon ng “Scientific Revolution” (c.1600-c. 1700). Dito kasi napatunayan ng mga siyentista na walang batayan ang pag-uugnay sa paggalaw ng mga bituin sa kapalaran ng mga tao.
                                                        o     O     o

          Ayon sa Cosmotheoros, na sinulat ng Dutch scientist na si Christian Huygens (1629-1695): “Ang Judicial astrology, na nagkukunwang naglalahad ng mga bagay na mangyayari, ay isang katawa-tawa at kadalasang balakyot na panlilinlang, na hindi ko inaakalang karapat-dapat tawagin sa ganitong pangalan.”
                                                        o     O     o

          Ang astrology sa kasalukuyan, bagama’t gumagamit ng mga mathematical calculation sa astronomy upang matukoy ang paggalaw ng mga planeta at bituin, ay hindi itinuturing na isang tunay na agham dahil ang sinusunod nitong konsepto ay walang batayan sa agham.
                                                        o     O     o


Suwerte ang Numero 13

          Sinasabing malas daw ang numero 13. At ang mga taong takot dito ay mayroong triskaidekaphobia. Pero alam niyo ba na ang Great Seal ng America ay puno ng numero 13? Kung kayo ay mayroong one-dollar bill, tignan niyo ang Great Seal ng America, makikita niyo rito ang 13 stars, 13 stripes, 13 arrows (sa kuko ng agila), 13 feathers (sa bawat pakpak at sa buntot ng agila), 13 clouds of glory, 13 laurel leaves, 13 rows sa pyramid, 13 rays sa mata sa itaas ng pyramid, 13 letra sa dalawang national motto: E pluribus unum (“Nag-iisa sa marami”) at Annuit coeptis (“Sang-ayon sa mga gawa”).
                                                        o     O     o

          Para naman sa Colgate University, ang numero 13 ay isang masuwerteng numero. Ang pamantasan ay itinatag noong 1819 ng 13 tao na may 13 dollars, 13 prayers at 13 articles. Ang campus address ng pamantasan ay 13 Oak Drive, Hamilton, New York. Ang pangalan ng all-men a cappella group nila ay Colgate 13.
                                                        o     O     o

          Ang numero 13 ay ang pang-anim na prime number at pinakamababang emirp number (isang prime number – 13 – na kapag binaligtad ang numero – 31 – ay isa ring prime).
                                                        o     O     o

          Isang tradisyon na mayroong 13 hakbang sa hagdanan paakyat sa bibitayan (gallows). Subalit sa kaugaliang pagtutugma ng “Oro, plata, mata,” sa bilang ng hakbang sa hagdan, ang pang-13 ay papatak sa oro o ginto na sinasabing masuwerte. Sa Feng Shui, masuwerte rin ang hagdanang may 13 hakbang dahil sa pagtutugmaang “gold-silver-copper-iron,” papatak ang ika-13 hakbang sa gold.
                                                        o     O     o



D.C. Comics Swamp Thing No. 13
(December 1974).
Cover illustrated by Nestor Redondo
(Notice his initials “N.R.”
at bottom left of the cover page)



 
        
Ang legendary Filipino illustrator na si Nestor Redondo (1928-1995) ay gumuhit ng 13 sa 24 na issues ng original comics series na Swamp Thing (1972-1976). Si Len Wein naman ang sumulat ng unang 13 issues bago siya sinundan ni David Michelinie at pagkatapos ay ni Garry Conway. Si Bernie Wrightson ang gumuhit ng unang 10 issues, sumunod ay si Nestor Redondo na gumuhit ng mula pang-11 hanggang pang-23 na issues. Ang ika-24 na issue ay iginuhit ng isa pang Filipino illustrator, si Fred Carillo (1926-2005).

  
                                o     O     o









Full inside spread illustration ng Swamp Thing episode na “The Tomorrow Children”
na sinulat ni David Michelinie at iginuhit ni Nestor Redondo. Si Joe Orlando na
instrumental sa pagpunta ni Redondo sa America ang editor ng episode na ito.




Unang pahina ng unang labas ng “Tsismosang Pipi,”
nobelang pang-komiks na isinulat ni Antonio S. Velasquez
at iginuhit ni Alfredo P. Alcala para sa Hiwaga Komiks
Blg. 134, Nobyembre 16, 1955.
           Ang nobelang pang-komiks na isinulat ni Antonio "Tony" S. Velasquez (1910-1997) na “Tsismosang Pipi” ay mayroong 13 pangunahing tauhan: Dalena, Alfredo, Clemente, Lolita, Dr. Paquito Fonebre, Aling Sidra, Mang Kulas, Aling Paula, Mang Amboy, Dulce Talakitok, Baloy at Torkuwata. Iginuhit ito ni Alfredo P. Alcala (1925-2000) para sa Hiwaga Komiks at unang lumabas noong Nobyembre 16, 1955.
                   o     O     o



















Movie ads for Mars Ravelo’s Darna at ang Babaing Tuod,
shown in theaters from April 14-23, 1964.

          Para sa ika-13 anibersaryo ng People’s Picture, ipinalabas nila ang Darna at ang Babaing Tuod (April 14, 1964) na halaw sa nobelang pang-komiks ni Mars Ravelo na na-serialized sa Liwayway Magazine. Ito ang kauna-unahang pelikulang Darna na kinunan sa pamamagitan ng Eastman Color. Gumanap bilang Darna si Eva Montes, ang itinuturing na pinaka-athletic sa lahat ng mga gumanap na Darna. Si Gina Alonso naman ang gumanap na Lucila, ang Babaing Tuod. Si Ruben Rustia ang gumawa ng Screenplay at si Cirio H. Santiago ang director.
                      o     O     o




 
Paraskavedekatriaphobia
          Ang matinding takot o kilabot (phobia) sa araw ng Biyernes na tumapat sa ika-13 araw ng buwan (Friday the 13th) ay tinatawag sa terminong paraskavedekatriaphobia.



Ang “Sinulog” (the Dance of Life)
tampok sa takob-pahina ng
Mabuhay (January 1984)
Larawang Tribiya
          Ang Sinulog Festival ay isang pista na puno ng kulay at sayawan na ginaganap sa Cebu mula Enero 13 hanggang Enero 15 ng bawat taon. Ito ay isang tradisyon kung saan pinagsama ang Katolisismo at paganismo. Kasabay ito ng pagdiriwang ng Ati-Atihan na ginaganap naman sa Kalibo, Aklan. Ang katawagang “Sinulog” ay mula sa salitang-ugat na sulog, na tumutukoy sa “agos ng ilog.” Dito rin ibinabatay ang galaw ng pagsayaw ng mga nagdiriwang, na tila baga sumasabay sa agos ng tubig sa ilog, habang buhat nila at inililigid sa mga lansangan ang rebulto ng kanilang patrong Santo Niño. Nagsimula itong gawin noong Abril 28, 1566. Makalipas ang 155 taon, sa pamamagitan ng decree ni Pope Innocent XIII, inilipat ang pagdiriwang nito sa ikalawang linggo ng Enero. Noong 1980s, ginawa itong isang tourism program, manapa’y kahalintulad ng Mardi Gras sa New Orlean na sa buwan ng Enero rin ginaganap.
                             o     O     o

1 comment:

  1. I like it, especially your research on astronomy vis-a-vis astrology.

    ReplyDelete