Thursday, March 9, 2017

Throwback Thursday (March 9, 2017): Pahimakas ng Isang Pag-ibig & Unpublished Caricatures



Thomasian Engineer Vol. 20 No. 3, March, 1979

THROWBACK THURSDAY
PAHIMAKAS NG ISANG PAG-IBIG

Sa ibabaw ng mundong puno ng hapis;
Sa isang sulok ng paaralang liblib,
Natagpuan ko nililiyag ng dibdib,
Ng puso’t kaluluwang kagyat umibig.

Siya na gumising sa puso kong manhid,
Na ngayo’y di na mawalay sa panaginip,
At sa aking guni-guni’y umuukit,
Pagdaka’y bulong ng diwang di-maidlip.

Bawat dakuin isip kong naglalakbay;
Ano mang sandaling lumipas-sumilay,
Ang sinta ng puso ay di na mawalay
Sa kaluluwa kong pag-ibig ang kulay.

Tibok ng dibdib kung sadyang tatarukin,
Malalamang ang lakas ay walang supil.
Ano mang balakid ay handang harapin;
Walang pipigil bundok man ang hilahil.

Kung ganda niya’t asal ilalarawan
Sa madla ng mga engkantadang dilagan,
Walang ‘pinaka’ sa buong panitikan
Ang maibibigkas na pang-uring turan.

Siya na diwata ng bait at hinhin,
Tanglaw ng diwa ko sa gabing madilim.
Siya na mutyang pumupukaw sagimsim,
Sino mang pantas siya’y nanasang kamtin.

Kanyang mga matang tulad sa diyamante.
Na nangagkikinang sa lawak ng gabi.
Kanyang mga namumulang rosas na labi,
Na tumitighaw sa lungkot at pighati.

Sa bawat gabing malungkot at tahimik,
Laging ikaw ang nilalaman ng isip.
Larawan mo kapagdaka’y gumuguhit
Sa dalumat kong alipin ng pag-ibig.

Sa bawat araw na pakikipagtalik
Sa bagtas ng panahon, inog ng isip,
Pangarap ng puso ay huwag maamis,
Pagsinta sa iyong lubhang masigasig.

Mukha mong mala-anghel, ngiting kay tamis,
Ang bawat susulyap mata’y magniningkit.
“O adang sa puso ko ‘tumbas ay langit,
Nawa’y unawain tunay kong pag-ibig.”

Sa pag-ibig ko may babala’ng tadhana,
May bantang ligalig ang bawat ligaya.
Sadya kayang ganyan lihim na pagsinta,
Habang lumilipas nawawala’ng sigla.

Kaibigang lilo, magulang mahigpit,
Dalawang silakbong nag-uudyok pilit:
Tukso at pangaral ay nagpapanglupig
Sa gitna ng nilalangoy n’yang daigdig.

Umihip ang habagat noo’y nagbanta,
At nalagas ang mga dahon ng ligaya.
Siya’y nagbago, ngiti’y naging bula,
Ang dating matapat ngayo’y palamara.

Masalimuot nga ang landas sa lungsod,
Tahana’y matibay, pinto nama’y gapok.
Siya’s natangay sa malakas na agos,
Naging makabago at naging marupok.

Habang ‘nulat ko bahagi nitong tula,
Kaluluwa ko’y sa dilim lumuluha.
Ako’y nalulumbay, ika’y nagsasaya,
Sa pagkasi, may dupil man sadyang aba.

Damdaming nanangis sa bawat puntod,
Paraisong kay saya, ngayo’y kay lungkot.
Sa altar ng sawi ako’y nakaluhod,
Laging dalangin ang magbalik ka irog.

“O lakambining hiyas ng aking buhay,
Sa bisig ng siphayo ako’y hihimlay.
Ang tanging hiling ko aking sintang tunay,
Tanggapin tulang ito – munti kong alay.

Ngayon sinta ako man ay lilisan na;
Mananatili tangan kong alaala.
At kung sakaling magbago ang tadhana,
Maghihintay pa ring taos at malaya.         

 
Isinulat noong Pebrero 7-8, 1978, ang “Pahimakas ng Isang Pag-ibig” ay maituturing na isang pagliliwat sa Pilipino ng tula ko sa wikang English na “To Salve” (1975). Ang tula ay nagwagi ng Ikalawang Gatimpala sa Thomasian Engineer Second Annual Literary Writing Contest, Pilipino Poetry Category. (Naaalaala ko pa ang sinabi ng aking guro sa Pilipino, si Ms. Carminia Carrasco, na kung sa pagkakataong iyon ay “nadaig ng salapi ang pag-ibig,” marami pang darating na panahon na “ang pag-ibig ang siyang magwawagi.”) Inilathala ang “Pahimakas ng Isang Pag-ibig” sa Thomasian Engineer, October 1979.

 

MY CARICATURES
The first two caricatures, I drew when I was in fourth year college. I submitted them to Times Journal, but it was never published. The third, a sort of revision of the second caricature, is intended for a book titled It’s A FACT, still unpublished.






“If only you had been alert to my commandments, your happiness would have been like a river, your integrity like the waves of the sea. Your children would have been numbered like the sand, your descendants as many as its grains. Never would your name have been cut off or blotted out before me.” – Isaiah 48:18-19, The Jerusalem Bible.

No comments:

Post a Comment